Tutol si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa online gambling sa bansa dahil aniya maraming nasisirang buhay dito.
Sa pulong, balitaan, sinabi ni dela Rosa dapat tuluyan nang ipagbawal ang online gambling dahil marami raw siyang nababalitaan na nalululong dito at umaabot pa sa punto na nagpapakamatay.
Giit pa ng senador, kung magkakaroon man ng kita ang pamahalaan sa online gambling, hindi ito sasapat pambayad sa magiging epekto nito sa lipunan.
Hindi rin aniya sasapat kung hihigpitan lamang ng gobyerno ang regulasyon sa online gambling dahil madali itong malulusutan ng mga Pilipino kaya’t mas makabubuti na i-ban na ito.
Naghain ng panukalang batas ang ilang senador para tuluyan nang ipagbawal ang online gambling samantalang may iba naman na isinusulong lamang ang strikto o mas mahigpit na regulasyon nito.