Nagsisilbing malaking hamon sa mga technical divers ang visibility sa ilalim ng Taal lake, ayon kay Philippine Coast guard (PCG) Spokesperson Capt. Noemi Cayabyab.
Batay sa paglalahad ng mga technical divers ng kanilang karanasan sa unang serye ng pagsisid, nagpapahirap umano sa kanila ang malabong tubig sa ilalim ng lawa habang labis ding naaapektuhan ang operasyon sa biglaang nagbabago na panahon sa lugar.
Paliwanag pa ng PCG official, bagaman isinasagawa ang pagsisid sa isang lawa, nakaka-apekto rin ang malakas na hangin na nagdudulot na malakas na agos at lalong nagpapahirap sa operasyon.
Samantala, nagawa na rin aniya ng mga technical diver na sumisid ng hanggang isandaang (100) metro ang lalim sa naturang lawa sa unang bahagi ng kanilang pagsisid.
Kayang-kaya pa aniya ng mga ito na abutin ang mas malalim na bahagi ng lawa kung kakailanganin.
Hanggang walong diver ang nagsagawa ng diving operation nitong nakalipas na araw (July 11) para i-ahon ang mga natunton na sakong nasa ilalim ng lawa.
Ayon kay Capt. Cayabyab, ang mga technical diver ay pawang bahagi ng elite unit ng PCG na may kakayahang sumisid ng matagal at sa mas malalim na bahagi ng katubigan. / Bombo Genesis Racho