LAOAG CITY – Sugatan ang 12 mga pasahero ng isang bus matapos mawalan ng preno sa Barangay Baruyen sa bayan ng Bangui sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ang driver ng bus ay nakilalang si David Garcia Jr., 67, may asawa at residente ng Brgy. Sagugui sa bayan ng Pagudpud.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad at base sa salaysay ni Garcia, habang patungong hilagang direksyon ang bus ay biglang nawalan ng preno ang driver dahilan para mawalan ng kontrol at bumangga sa isang burol na nasa gilid ng kalsada.

Nabatid na ang mga biktima ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan partikular sa kanilang ulo.

Agad namang rumesponde ang mga otoridad.

Matapos bigyan ng paunang lunas ay itinakbo ang mga biktima sa Bangui District Hospital ngunit tatlo sa mga ito ay inilipat sa Gov. Roque Ablan Senior Memorial Hospital sa lungsod ng Laoag.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang pangyayari.