-- Advertisements --

Naitala ang kasaysayan sa Palarong Pambansa 2025 matapos ang makasaysayang panalo ng Davao Region sa larangan ng basketball para sa secondary boys.

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, naiuwi ng koponan ng Davao ang kampeonato matapos talunin ang Western Visayas sa iskor na 67-51.

Mula pa lamang sa unang segundo ng laban ay agresibo na ang Davao Region, agad nakakuha ng 2 puntos.

Sa pagtatapos ng unang quarter, lamang na sila sa iskor na 15-8.

Patuloy ang dikdikang laban sa ikalawang quarter ngunit napanatili pa rin ng Davao ang kanilang kalamangan sa 27-24.

Mas lalong lumayo ang agwat sa ikatlong quarter na nagtala ng 46-37, hanggang sa tuluyan na nilang sinelyuhan ang panalo sa fourth quarter, 67-51.

Isa sa mga naging emosyonal pagkatapos ng laro ay si Sebastian Laroya, team captain ng Davao Region. Ayon sa kanya, inasahan nila ang magiging resulta dahil na rin binigay nila lahat araw-araw sa ensayo.

Ang kanilang coach na si Jess Evangilio ay labis ding nagpapasalamat sa naging resulta. Aniya, tatlong taon ang kanilang ginugol sa paghahanda at sa unang pagkakataon ay nakarating at nagtagumpay sa Palarong Pambansa.

Dagdag niya na ang payo niya sa mga bata ay manatiling mapagpakumbaba pagbalik nila sa Davao.