LAOAG CITY – Target ng Western Visayas na masungkit ang three-peat sa volleyball secondary girls sa 2025 Palarong Pambansa.
Ayon kay Mr. Jose Montalbo, Athletic Manager ng volleyball secondary girls, nais nilang mapanatili sa kanila ang kampeonato kaya gumawa ang kanilang koponan ng iba’t ibang estratehiya para mapanatili ang kanilang magandang rekord.
Lahat aniya ng mga atleta ay dumaan sa mahigpit na pagsasanay upang makamit ang kahanga-hangang tagumpay at makagawa ng kasaysayan sa larangan ng volleyball.
Paliwanag niya, naniniwala siyang hindi siya nagkulang sa pagtuturo at pagsama sa mga hawak niyang atleta dahil nakikita rin niya ang improvement ng kanilang performance.
Kaugnay nito, inaabangan ng mga manonood ang sikat na Volleyball Sensation na si Brianna Nikola Ang mula sa Western Visayas sa bawat laro niya ng volleyball.
Napapansin na may crowd cheering na nabubuo sa tuwing gagawa ng volleyball attack si Brianna.
Ayon kay Brianna na malakas ang kanilang depensa at nais rin nilang mapanatili ang kampeonato na mahigpit nilang iniingatan.
Napag-alaman na naging Volleyball Sensation si Brianna matapos sumabak sa Western Visayas Regional Athletic Association 2025 sa Antique.
Samantala, si Brianna ay middle blocker ng Bacolod Tay Tung High School.