CAGAYAN DE ORO CITY – Sasampahan ng kasong paglabag sa Philipppine Fishers Code of 1998 ang 11 indibidwal na inaaresto matapos makuhanan ng 8,000 kilo ng giant clams o taklobo sa isang checkpoint sa Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City.

Kinilala ang mga suspek na sina Diosdado Abellana, 29; Ronel Pilarca, 30; Christhoper Pornia, 28; Ricky Sunogan, 50;Larry Salvan, 45; Arnel Sanchez, 49; Peterson Suan, 55; Ricky Allones, 35; Jed Ragmac, 29; Ramil Villagracia, 19; at Michael Paler, 24-anyos.

Natukoy sa imbestigasyon na ihahatid sana ng mga suspek ang isang truck ng taklobo sa umano’y nag-order ng mga ito kapalit ang malaking halaga ng pera.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay City Mobile Force Batallion commander Lt. Col Alexy Sonido, iginiit nitong mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha at pagbibenta ng taklobo.

Sa ngayon, hawak na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga nakumpiska nilang taklobo.