Tinanggihan ng Court of Appeals ang apela ng dating immigration officer na dawit sa kontrobersiyal na pastillas scheme na baliktarin ang hatol sa kaniyang kasong grave misconduct noong 2022.
Sa 15 pahinang desisyon, napatunayan ng 17th Division ng CA na guilty ang dating BI official na si Gabriel Ernest Estacio sa grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa malaking papel nito sa pakikipagsabwatan sa iba pang immigration officers para mangolekta at tumanggap ng pera mula sa Chinese nationals para payagang makapasok ang mga ito nang walang mga hinihinging dokumento.
Kaugnay nito, pinagtibay ng appellate court na tama ang desisyon ng Ombudsman na patawan ng parusang dismissal o pagsibak sa serbisyo sa dating immigration officer dahil sa bigat ng kaso laban sa kaniya.
Matatandaan, unang pumutok ang notorious na pastillas scam noong 2017 na ginagawa umano ng mga matataas na opisyal ng BI kung saan pinapayagan makapasok nang walang kahirap-hirap ang mga Chinese national kapalit ng service fee na P10,000.
Ang suhol na pera ay ibinibigay sa mga immigration agents nang nakabalot sa piraso ng papel na pareho ng pagkaing pastillas para hindi madetect.