Aabot sa halos 100 kaso ng vote-buying ang naitala ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) para sa 2025 local and national elections.
Sa isang pahayag sinabi ni LENTE executive director Atty. Rona Ann Caritos, karamihan sa mga insidente umano ay naganap sa barangay hall, bahay ng mga botante, at sa mga huling pagtitipon.
Paliwanag ni Caritos, lumobo ang mga ulat ng vote-buying noong Biyernes ng gabi, tatlong araw bago ang halalan at mas laganap pa aniya ito ngayong midterm election kaysa sa national election.
Dagdag pa niya, 70% ng mga reklamong natanggap nila ay mga vote-buying habang 30% ay mga pag-abuso sa state resources, gaya ng pamamahagi ng ayuda ng mga kandidato sa gitna ng kampanya na isang uri umano ng advantage ng mga incumbent.
Samantala, iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na nakatanggap na ang Kontra Bigay Committee ng mahigit 400 reklamo kaugnay ng vote-buying, vote-selling, at paggamit ng government resources sa kanilang mga kampanya.
Nananawagan ang LENTE sa publiko na maging mapagmatyag upang mapanatili ang malinis at patas na halalan ngayong Mayo 2025.