CENTRAL MINDANAO – Nagtamo lamang ng minor injuries ang 10 katao matapos mahulog sa bangin ang isang D4D van sa Cotabato.
Sa ulat ng Alamada-Philippine National Police, galing sa pamamasyal sa Tent City ang mga biktima at pauwi na sa Cotabato City ngunit pagsapit sa matarik na kalsada sa Barangay Barangiran, Alamada, Cotabato ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Masuwerte na lamang dahil sumabit ang van sa isang puno kaya hindi tuluyang bumulusok sa malalim na parte ng bangin.
Kaagad nailigtas ang mga biktima na pawang mga residente sa lugar at dinala sa pagamutan sa tulong ng ambulansya ng local government unit (LGU) kasama ang pulisya.
Noong nakalipas na linggo lang ay isang mini bus naman ng Bureau of Fire Protection-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang nahulog sa bangin sa Barangay Barangiran kung saan isa ang nasawi at marami ang nasugatan.
Kaugnay nito, nagpaala ang LGU-Alamada at pulisya sa mga bumabiyahe at dadaan sa Alamada-Banisilan road na magdoble ingat sa pagmamaneho.