Wala pa ring napipiling bagong Santo Papa ng Simbahang Katolika sa ikatlong botohan ng papal conclave ngayong araw ng Huwebes, Mayo 8.
Ito ay matapos na itim na usok ang lumabas sa tsimenea ng Sistine Chapel na sinyales na wala pang napipili ang mga kardinal.
Sinunog nila ang mga balota at hinaluan ng mga kemikal para ipakita kung paano ang proseso kung saan ang itim na usok ay sinyales na wala pang Santo Papa subalit kapag puting usok ang lumabas sinyales ito na mayroon ng napiling bagong pontiff.
Kahapon, Mayo 7 nang simulan ng kabuuang 133 cardinals na mababa sa 80 taong gulang ang pagpili ng ika-267 Santo Papa o successor ng pumanaw na si Santo Papa Francisco.
Naghahanda na ang mga kardinal para sa susunod na botohan.
May pagkakataon naman ang mga kardinal o “princes of the Church” na bumoto ng hanggang apat na beses hanggang sa makakuha ang isang papal candidate ng two-thirds majority votes.
Sa may St. Peter’s Square naman, libu-libong mananampalataya ang matiyagang nag-aantay sa paglabas ng usok mula sa kapilya para sa pag-anunsiyo ng bagong Santo Papa.