-- Advertisements --

Inulat ng grupong Kontra Daya at Vote Report PH ang mga naging problema ngayong Halalan 2025 kung saan sa unang apat na oras naitala umano nila ang mga aberya ng automaed counting machine (ACM) at iba pang mga kaugnay na problema sa halalan.

Ayon sa Vote Report PH, may mga botanteng naitalaga sa mga presintong mahirap ma-access, gaya ng mga nasa ikalawang palapag ng gusali, sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Bukod pa rito, may mga insidente ng pagkaantala sa pagboto dahil sa mga teknikal na problema sa ACMs sa iba’t ibang presinto.

May reklamo rin mula sa mga botante na ang ilang balota ay tinaguriang may overvoting ng makina kahit tama ang bilang ng kandidato at maingat ang shading ng mga bilog, dahilan upang hindi mabilang ang ilang boto.

Nanawagan si Prof. Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, sa Commission on Elections (COMELEC) na agad tugunan ang mga insidenteng ito.

Nagbukas na rin ng vote monitoring center ang Kontra Daya at Vote Report PH upang tumanggap ng ulat ukol sa mga iregularidad sa halalan gaya ng vote-buying, harassment, at mga aberya sa makina.