Sinampahan ng kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman si Makati Mayor Abigail ” Abby” Binay.
Inakusahan ang alkalde ng umano’y paglabag sa batas laban sa korapsyon at pagbalewala sa desisyon ng Korte Suprema kung saan nagbabawal sa pamahalaang lungsod ng Makati na mag-exercise ng jurisdiction sa EMBO barangays.
Lumabag umano ang alkalde sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Article 231 ng Revised Penal Code.
Kung maaalala, noong Enero ng nakalipas na taon ay ipinag-utos umano ng alkalde ng Makati na ipasara ang mga health center, daycare facility at iba pang mga serbisyo para sa mga EMBO barangays.
Batay sa desisyon ng Korte Suprema , Taguig ang mayroong hurisdiksyon sa pinag-aagawang barangay kaya’t hindi maaaring mangialam ang Makati.
Sa inihaing kaso sa Ombudsman, hiniling ng mga nagreklamo na pansamantalang suspendihin ang alkalde , mapatawan ng parusang administratibo, patalsikin sa pwesto kung kinakailangan o kaya naman ay sampahan ng kasong kriminal sa korte dito sa bansa.