Uumpisahan nang ilunsad simula bukas, Mayo 15 ang pagbebenta ng P20 rice sa halos 32 mga Kadiwa Stores at maging sa mga palengke sa loob ng National Capital Region (NCR).
Ayon sa Department of Agriculture (DA), madaragdagan pa simula bukas ang mga Kadiwa sites at palengke na magbebenta ng P20 rice sa loob ng Metro Manila sa ilalim ng ‘Benteng Bigas Meron na’ Program ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, mula sa inisyal na walong lokasyon ay mas papalawakin pa ang programa para sa mas malakas na bentahan nito sa publiko.
Ilan kasi sa mga inisyal na inilunsad na mga Kadiwa Stores noong Mayo 13 ay kadalasang nagbubukas ng Huwebes kaya halos bukas pa lamang sila maguumpisa talaga ng bentahan ng P20 bigas sa NCR.
Samabtala, maliban sa Metro Manila ay bukas na at nailunsad na rin ang bentahan ng naturang bigas sa tatlong Kadiwa centers sa Bulacan habang target naman ng departamento na gawing available sa publiko ang programa sa lob ng 42 na lokasyon.