-- Advertisements --

Inanunsyo ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na napagdesisyunan ng kasalukuyang administrasyon na i-extend hanggang Disyembre ang pagpapatupad ng import ban ng imported premium rice.

Ayon sa kalihim, posible pang ma-extend hanggang katapusan ng taon ang pagpapatupad ng import ban sa mga naturang produkto depende sa sitwasyon at maging galaw ng presyo ng mga palay.

Aniya, sa ngayon kasi bumagsak na naman ang presyo ng bentahan ng palay ng mga lokal na magsasaka kaya naman sa naging talakayan ni Tiu Laurel Jr. kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ilang mga hakbang ang aniya’y naaprubahan ng Presidente para gamitin upang maiwasan ang sobrang mabababang presyo ng mga palay.

Ilan lamang na rito ang tuluyang pagbabawal sa mga government offices na bumili ng mga imported premium rice kabilang na dito ang mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga lokal na magsasaka sa bansa at hindi maging bagsak presyo ang bentahan ng palay sa merkado.

Kasunod nito, nakaambang naman na itaas na muli ang taripa sa bigas pagkatapos ng pagpapatupad ng import ban upang gawing mas stable ang presyo ng bigas at mapalakas ang pagbili sa mga lokal na bigas.

May nakahandang Executive Order na rin para sa pagtatakda ng floor price ng mga palay para mas mabigyang prayoridad ang mga lokal na magsasaka kaysa sa mga imported na bigas.

Samantala, mayroon na ring EO para sa emergency procurement ng palay at karagdagang mga warehouses para sa mga aanihin para sa mas maramihang pagbili ng palay mula sa mga local rice farmers.

Patuloy naman na nagkakasa ng mga pagiikot at pagpapatupad ng price monitoring ang departamento katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na at mabantayan ang mga magiging galw ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang bigas sa merkado.