-- Advertisements --

Kinumpirma ng Korte Suprema na kasalukuyang nakabinbin pa rin ang 10 kaso ng ill-gotten wealth laban kay yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kanyang pamilya, at kanilang kasamahan.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang ₱65-bilyong pondo ng hudikatura para sa 2026, sinabi ni Court Administrator Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta na ang mga kasong isinampa pa noong 1987 ay nananatiling nakabinbin sa loob ng 39 na taon.

Ito ang tugon ng Court admin sa katanungan ni Akbayan Rep. Chel Diokno hinggil sa bilang ng mga kasong hawak ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), ang ahensyang may mandato na bawiin ang nakaw na yaman ng mga Marcos.

Ayon kay Estoesta, mabagal ang pag-usad ng mga kaso dahil sa limitadong saklaw ng apela at kakulangan ng prosekusyon sa ebidensya.

Matatandaan noong Marso, ibinasura ng Sandiganbayan ang ₱5 million ill-gotten wealth case laban kina Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos dahil sa hindi maipaliwanag na kawalan ng aksyon ng prosekusyon sa loob ng maraming taon, kabilang dito ang umano’y ilegal na pag-angkin ng mga sasakyan at kagamitan sa ilalim ng Civil Case 0032.