LEGAZPI CITY – Wala ng buhay nang matagpuan ng mga magulang nito ang kanilang anak na sanggol pa lamang sa Barangay Tuburan sa Lungsod ng Ligao.

Una rito, nagpatulong sa kapulisan, Bureau of Fire Protection at iba pang volunteers na nagmamando sa quarantine control point, ang isang lalaki sa paghahanap sa naturang sanggol na lalaki.

Naglalaro lang umano kasi ito sa bahay habang nasa religious worship ang mga magulang sa simbahan na katabi lamang ng kanilang tahanan.

Sa paghahanap ng mga otoridad, mismong ang ama nito ang nakakita ng bata sa loob ng isang kulay berdeng plastic water container na nasa isang metro ang taas.

Nakalubog na sa tubig ang ulo ng sanggol nang matagpuan habang nakatiwarik ang mga paa.

Nabatid na nakalagay ang container sa labas ng main door at may tubig na kalahati pa ng container.

Naisugod pa sa pagamutan ang bata subalit idineklara nang dead on arrival.