-- Advertisements --

LAOAG CITY – Namatay ang subject ng drug buybust operation na isinagawa sa Sitio Uno, Brgy. Balacad dito sa lungsod ng Laoag habang sugatan ang isang pulis matapos ang nangyaring shootout.

Nakilala ang namatay na suspek na si Ruel Adaon, residente ng bayan ng Solsona ngunit tubong bayan ng Pasuquin habang ang sugatang pulis ay si Police Staff Sgt. Ver Suarez, isang kasapi ng Philippine Drug Enforcement Unit.

Habang isinasagawa ang operasyon ay nakatunog si Adaon na pulis ang kanyang katransaksiyon dahilan upang bumunot ng baril at pinaputukan si Suarez.

Tinamaan sa likod ang pulis habang gumanti naman ng putok ang back-up nito at tinamaan naman sa dibdib ang suspek.

Agad naman na itinakbo ang dalawa sa ospital ngunit idineklarang patay si Adaon habang ginagamot habang si Suarez ay umanoy nakasuot naman ng bullet proof vest.

-- Advertisement --

Sinabi ni PLt. Col. Rafael Lero, hepe ng PNP-Laoag, ang suspek ay kabilang sa regional target level kung saan ang operasyon nito ay sa probinsya ng Ilocos Sur at La Union, maliban na lang dito sa lalawigan.

Narekobre ng mga otoridad ang isang jewelry box na naglalaman ng walong sachet ng hinihinalang shanu, 10,000 pesos, iba’t-ibang ID, relo at 10 Hongkong Dollars.