DAGUPAN CITY – Isa ang patay habang lima ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa bayan ng Rosales, Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sgt. Marlon Palaruan, imbestigador ng Rosales PNP, sinabi nito na binabagtas ng mga sangkot na sasakyan ang Carmen bridge nang mangyari ang insidente.

Nag-overtake umano ang Mitsubishi Adventure kaya nito nahagip ang kasalubong na tricycle.

Bagama’t nakapagpreno naman ang paparating na 10-wheeler truck ay bumangga pa rin ito sa kasalubong na sasakyan.

Resulta nito ay nasawi habang nilalapatan ng paunang lunas ang driver ng tricycle na kinilalang si King John Abuan na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.

Sugatan naman ang driver at apat na pasahero ng AUV samantalang walang natamong galos ang driver ng truck.

Aniya, sa kanilang imbestigasyon lumalabas na ang driver ng Mitsubishi Adventure ang may kasalanan kaya sasampahan nila ito ng kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries and damage to properties.