-- Advertisements --

Nagsampa na ng patung-patong na mga reklamo ang negosyante at gaming industry tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang laban kina alyas ‘Totoy’ at alyas ‘Brown’ hinggil sa mga isinawalat nilang mga paratang. 

Sa Mandaluyong City Prosecutors Office, dumating sina Atong Ang kasama ang kanyang abogado na si Atty. Lorna Capunan dala-dala ang complaint-affidavit kontra sa mga nagpakilalang mga testigo.

Dumating sila pasado alas-nueve ng umaga upang isapormal ang kanilang reklamo kasunod ng mga ibinunyag at akusasyon ni alyas ‘Totoy’ kagabi. 

Ibinunyag kasi nito at inakusahan si Charlie ‘Atong’ Ang na ‘mastermind’ o pasimuno umano sa kaso ng mga nawawalang sabungero. 

Kaya’t ang kampo ni Atong Ang ay napagpasiyahang isapormal at gawing opisyal ang kanyang reklamo upang pabulaanan ang lahat ng mga alegasyon. 

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Lorna Capunan inihain nila ang mga reklamong: Attempted Robbery with violence and intimidation, grave threat, grave coercion, incriminating against innocent persons at slander.

Sa kabuuan ay simampahan nila si alyas ‘Totoy’ ng limang reklamo kaugnay sa mga matitinding alegasyon nito sa negosyanteng si Atong Ang. 

Dagdag pa rito’y iginiit ng kanilang kampo na kaya sila naghain na ng complaint-affidavit ay para hindi lamang iisang panig ang naririnig ng publiko. 

Kung saan nais raw nila na magkaroon ng ‘transparency’ at patas na pagtingin o paglalahad ng mga impormasyon sa kadahilanang panig lamang raw ni alyas ‘Totoy’ ang naisasapubliko. 

Buhat nito’y naniniwala ang kanilang kampo na walang basehan, walang kredibilidad, at walang katotohanan ang mga ibinunyag ng nagpakilalang testigo na si alyas ‘Totoy’ laban sa naturang negosyante. 

Kaya’t matapos maghain ng kanilang opisyal na complaint-affidavit, kasunod namang isinagawa ang isang pulong balitaan sa kampo ni Atong Ang. 

Dito inilabas ni Atong Ang ang kanyang hinaing sa mga ibinunyag na alegasyon at akusasyon ni alyas Totoy laban sa kanya.