Reading Time: 1 minute

TACLOBAN CITY – Isa ang naitalang patay samantala apat naman ang sugatan matapos na araruhin ng isang 10-wheeler truck ang aabot sa limang mga kabahayan sa Purok 1 Brgy. Maulong, Catbalogan City, Samar.

Napag-alaman na apat na kabahayan ang totally damage.

Ayon kay S/Sgt. Elmer Campanero, investigator ng traffic section ng Catbalogan City Police Station, kinilala ang namatay na si Carmelita Esquerdo matapos itong maipit sa rear tire ng truck sa loob ng halos isang oras.

Apat naman ang naitalang sugatan na kung saan ang dalawa dito ay nasa malubha ang kalagayan.

Natukoy din na parehong mga residente sa naturang lugar ang mga biktima.

Maliban sa mga nasirang bahay ay aabot sa apat na poste ang natumba.

Batay sa imbestigasyon, mula sa Tacloban at papunta sana ng Catbalogan ang naturang truck na minamaneho ni Romulo Adlaon ng Mandaue City.

Nawalan umano ito ng preno sa palusong na bahagi ng daan kaya’t nagderi-deritso ang takbo nito na naging dahilan ng pagkahulog sa kalsada hanggang sa mga kabahayan.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa naturang aksidente.