-- Advertisements --

Naglaan ang Philippine Ports Authority (PPA) ng mahigit 400 milyon para sa modernisasyon at pagpapalawak ng Amandayehan Port sa Basey, Samar. Layunin nitong magsilbing alternatibong ruta sa pagitan ng Leyte at Samar kasunod ng ipinatupad na weight limit sa San Juanico Bridge.

Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, bahagi ito ng hakbang upang palakasin ang ekonomiya sa Eastern Visayas. Kasama sa proyekto ang 100 milyon para sa paglalagay ng 14 navigation buoys para sa kaligtasan sa dagat, 100 milyon para sa dredging, at 200 milyon para sa pagpapalawak ng pantalan upang mas maraming barko at kargamento ang mapagsilbihan.

Matatandaan na noong Hunyo 8, isinagawa ang inspeksyon ng mga opisyal mula sa Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Coast Guard (PCG), Maritime Industry Authority (MARINA), at lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng proyekto. Naniniwala ang Philippine Ports na ang hakbang na ito ay bahagi ng pangmatagalang plano para sa modernisasyon ng mga pantalan sa Visayas.