Ramdam na ang kauna-unahang bagyo ngayong taon na tropical depression Ada.
Tinatayang nasa 635 kilometro ito sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras malapit sa sentro at bugso ng hangin na umaabot sa 55 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 35 kilometro kada oras.
Ayon sa state weather bureau, umaabot hanggang 500 kilometro mula sa sentro ang saklaw ng malalakas na hangin ng bagyo.
Dahil dito, nakataas na ang Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Visayas gaya ng Northern Samar, Samar, at Eastern Samar, at sa Mindanao kabilang ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na mag-ingat sa posibleng malakas na ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa.
















