VIGAN CITY – Patay ang driver ng isang delivery truck matapos itong dumausdos sa gilid ng bundok sa Abra-Ilocos Sur Road, Zone 1, Tangadan, San Quintin, Abra.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan, ang driver ng nasabing delivery truck ay nakilalang si Rodel Dalit Martinez, 38, may-asawa at residente ng Longboy, Suyo proper, Ilocos Sur.

Samantala, ang mga sakay nitong pahinante na sina Ancieto Amgao Ramos, 20, at Sugarshandy Reyes Gacutan, 24, kapwa taga-Cervantes, Ilocos Sur.

Ang 13-anyos na si Michael Lomabao na taga-Naguiddayan, Bantay, Ilocos Sur ay ginagamot din ngayon sa Ilocos Sur District Hospital-Narvacan, Ilocos Sur dahil sa mga sugat na kanilang natamo sa aksidente.

Base sa inisyal na imbestigasyon, galing sa Bantay, Ilocos Sur ang nasabing delivery truck na may mga karga na sako-sakong harina, abono at maraming karton ng motor oil.

Nang pababa umano ang nasabing sasakyan sa nasabing kalsada, nawalan ito ng preno kaya dumausdos ito sa bundok sa gilid ng kalsada kaya naipit ang driver at nagtamo ng grabeng sugat sa katawan na sanhi ng kaniyang kamatayan.