Sinimulan ng ipatupad ang nilagdaang executive order ng bagong alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso.
Ngayong araw kasi ng sabado ang umpisa ng implementasyon sa kanyang ikatlong executive order buhat ng makabalik muli sa kanyang pagkakaupo bilang pinuno ng lungsod.
Kung saan nakapaloob dito ang mandato na nag-uutos sa lahat ng mga barangay sa buong Maynila na magsagawa ng kani-kanilang paglilinis sa mga nasasakupan.
Layon sa kautusang ito na maisakatuparan ang regular o lingguhang ‘de-clogging’ at ‘cleanup drive’ lalo na sa iba’t ibang mga estero, kanal at daluyan ng tubig dito sa naturang lungsod.
Kaya’t ibinahagi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso o kilala din sa tawag na ‘Yorme’ ang pakikipagpulong niya sa mga presidente ng bawat zona ng mga barangay para lamang matagumpay itong maisagawa simula ngayong ika-walo ng Hulyo.
Bunsod nito’y sa bahagi ng Estero de Paco, lungsod ng Maynila inumpisahang isagawa ang paglilinis tulong-tulong ang mga opisyal ng barangay na siyang may sakop sa naturang estero.
Sa pakikipanayam ng Bombo Radyo kay Mia Maravilla, punong barangay ng Brgy. 671 ng Paco, Manila, bago sila mag-umpisang maglinis, kanyang ibinahagi na sila’y nakikiisa sa kautusan ng bagong alkalde.
Kung saan kada-Sabado na raw nila na itong ginagawa sa barangay ngunit laking pasasalamat naman niya kay Mayor Isko sa paglagda nito ng direktiba para maibalik muli ang kalinisan sa lungsod.
Kaya’t dahil rdito ay tulong-tulong ang mga tauhan ng barangay na malinis ang naturang estero at matanggal kung mayroon mang basura na maaring magsanhi ng pagkabara.
Alinsunod din ito sa kagustuhan ni Mayor Isko Moreno Domagoso na maging handa ang lungsod lalo pa’t panahon na ng tag-ulan at hindi maitatangging binabaha ang Maynila.