Inanunsiyo ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na magtutungo siya sa White House para makipagkita kay US President Donald Trump sa araw ng Lunes, Agosto 18.
Ito ay para talakayin ang pagwawakas ng giyera sa Ukraine.
Ang nakatakdang pagbisita ni Zelensky sa White House ay kasunod ng summit o one-on-one meeting sa pagitan nina Trump at Russian President Vladimir Putin sa Anchorage, Alaska nitong Biyernes, local time.
Bagamat nabigo si Trump na magkapag-secure ng kasunduan kay Putin hinggil sa giyera sa Ukraine, nagpasya umano silang trabahuin ang pagkakaroon ng peace agreement para tuluyan nang mawaksan ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine at hindi lamang ceasefire.
Matatandaan na naging kontrobersiyal ang huling pagpupulong nina Zelensky at Trump sa Oval Office ng White House sa Washington DC noong Pebrero 28 ng kasalukuyang taon matapos mauwi sa pagtatalo ang bilateral meeting ng dalawa na nagresulta sa pagkansela ng nakatakda sanang paglagda ng rare earth mineral agreement at ineskortan si Zelensky palabas ng White House.