-- Advertisements --

Inanunsiyo ni US President Donald Trump ang pagpataw ng 25% na taripa sa mga produktong magmumula sa mga bansang may commercial ties sa Iran.

Isang hakbang na lalong maglalagay ng pressure sa Iran kasabay ng nagpapatuloy na mga protesta laban sa gobyerno sa ikatlong linggo na.

Sa isang pahayag, sinabi ni Trump na agad magiging epektibo ang taripa nang hindi nagbibigay ng detalye kung ano ang tinutukoy niyang “pakikipag-negosyo” sa Iran. Aniya, pinal na ang naturang kautusan.

Sa ngayon wala pang inilalabas na impormasyon ang White House hinggil sa taripa kabilang ang mga bansang pinakamatinding maapektuhan ang imports.

Subalit, sa kasalukuyan, ang China ang itinuturing na pinakamalaking trading partners ng Iran, sinundan ito ng Iraq, United Arab Emirates, Turkey at India.

Ang panibagong taripa ay kasunod ng banta ni Trump na makikialam ang Amerika sakaling patayin ng Iran ang mga nagpoprotesta.

Ayon kay White House spokeswoman Karoline Leavitt, kabilang sa kanilang ikinokonsidera ang military options kabilang ang air strikes.