Pumalo na sa mahigit 500 katao ang kumpirmadong napatay sa mga serye ng kilos-protesta sa Iran.
Batay sa pinakabagong datos mula sa mga aktibista mula sa loob at labas ng Iran, iniulat ng US-based human rights group na HRANA na naberipika na nito ang pagkamatay ng 490 protesters at 48 security personnel habang mahigit 10,600 katao naman ang inaresto sa loob na ng dalawang linggong kaguluhan sa naturang bansa.
Bagamat sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na datos mula gobyerno ng Iran.
Sa state television ng Iran, pinakita ang dose-dosenang bags ng mga labi na nasa ground ng coroner’s office sa kabisera ng Tehran, kung saan iniulat dito na ang mga nasawi ay mga biktima ng mga insidenteng kagagawan ng mga “armadong terorista” gayundin pinakita sa footage ang mga mahal sa buhay ng mga biktima na nag-aantay sa labas ng Kahrizak Forensic Medical Centre sa Tehran habang inaantay na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga labi.
Ikinagulat naman ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang mga ulat hinggil sa karahasan ng mga awtoridad ng Iran at nanawagan para sa maximum restraint at iginiit ang buong pagrespeto at pagprotekta sa mga karapatan ng mamamayan para sa kalayaan ng pagpapahayag, asosasyon at mapayapang pagtitipun-tipon.
Nitong Linggo, idineklara ng mga awtoridad sa Iran ang tatlong araw na national mourning bilang pagbibigay-pugay sa mga biktima na tinawag na “martyrs” na napatay sa kanilang pagtutol laban sa Amerika at Zionist regime.
Matatandaan, sumiklab ang mga kilos-protesta sa Iran noong Disyembre 28, 2025 bilang pagpapahayag ng galit sa krisis sa kanilang ekonomiya dahil sa record-high inflation, matataas na presyo ng mga pagkain, at pagbagsak ng halaga ng rial. Mabilis na lumawak ang mga protesta hanggang sa ipanawagan na ang pagwawakas ng kasalukuyang regime, na namumuno simula pa noong 1979 Islamic Revolution.
Inakusahan naman ng Iranian authorities ang US at Israel ng pagpapalala ng kaguluhan sa kanilang bansa at nanawagan ng nationwide rally para kondenahin ang umano’y teroristang aksiyon na pinangungunahan ng Amerika at Israel.
Simula naman noong Huwebes, Enero 8, naputol ang daloy ng impormasyon mula sa Iran dahil sa internet blackout.
Nagbabala rin ang Iran sa Amerika na kanilang tatargetin ang US military bases sakaling magbanta si US President Donald Trump na manghimasok sa ngalan ng mga protester sa Iran.
















