Sa kauna-unahang pagkakataon, binasag na ng nagbitiw na si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co ang kaniyang matagal na pananahimik hinggil sa mga alegasyon laban sa kaniya may kinalaman sa flood control anomaly.
Sa inilabas na video ni Co ngayong Biyernes, Nobiyembre 14, inakusahan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at ilang miyembro ng gabinete ng Pangulo kasama na si Budget Secretary Amenah Pangandaman na sangkot umano sa P100 bilyong insertions sa national budget.
Ayon kay Co, nagsimula ito nang tumawag sa kaniya ang DBM chief nang magsimula ang Bicameral process noong nakalipas na taon. Sinabi umano ng kalihim na nakausap niya ang Pangulo at ipinag-utos ang pagsingit ng naturang halaga ng proyekto sa BICAM.
Ani Co, kinumpirma niya ito at inireport kay dating House Speaker Romualdez at tugon umano sa kaniya ng mambabatas ” what the President wants, he gets”.
Sinabi din ni Co na ang P100 bilyong insertion na inilagak sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways ay tinapyas sa P50 billion dahil kapag susundin aniya ang planong pagsingit ng P100 bilyon sa pondo ng ahensiya, lalabas na mas malaki ang pondo ng DPWH kesa sa Department of Education na maaaring lumabag sa konstitusyon.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang mga nakaladkad na pangalan ni Co kaugnay sa malaking halaga ng budget insertion ngayong taon.
















