Idineklara ng Sandiganbayan Fifth Division na “fugitives from justice” si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co at tatlong miyembro ng Board of Directors ng Sunwest Inc. dahil sa hindi pagharap sa kasong graft at malversation.
Kasabay nito, iniutos ng korte ang agarang pagkansela ng kanilang mga pasaporte upang maiwasan ang pagtakas sa ibang bansa.
Ang kaso ay kaugnay ng umano’y anomalya sa P289.5-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, na iniimbestigahan sa ilalim ng anti-graft law.
Noong Nobyembre 2025, naglabas ng arrest warrant laban kay Co at iba pang opisyal ng DPWH Mimaropa at Sunwest Inc. dahil sa iregularidad sa proyekto.
Ayon sa Bureau of Immigration, ilan sa mga akusado ay nasa labas na ng bansa simula nang pumutok ang iskandalo.
Ang Sunwest Inc. ay kilalang kontratista sa Bicol na nakakuha ng malalaking proyekto mula sa pamahalaan, ngunit nasangkot sa kontrobersya dahil sa umano’y maling implementasyon ng flood control project.
Giit ng Sandiganbayan, malinaw na ang hindi pagharap ng mga akusado sa korte ay indikasyon ng pagtakas sa hustisya kaya’t sila ay opisyal nang tinaguriang fugitives.
















