-- Advertisements --

Binigyan ng ultimatum para sumuko hanggang sa araw ng Lunes, Nobiyembre 24 sina dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co at 15 iba pa na inisyuhan ng arrest warrants kaugnay sa maanomaliyang flood control projects.

Ginawa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang pahayag matapos kumpirmahin mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na mayroon nang arrest warrant laban kina Co, dating mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at private construction firm na Sunwest Corporation kaugnay sa flood control anomaly sa Mindoro.

Ayon kay Sec. Remulla, gagawa siya ng isang memoramdum order sa oras na matanggap na niya ang kopiya ng arrest warrants.

Sa isang panayam sinabi ng kalihim na binibigyan nila ang mga akusado na sumuko sa pinakamalapit na ahensiya ng gobyerno hanggang sa araw ng Lunes, dahil kung hindi ay kanilang tutugisin ang mga ito at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya upang iharap sila sa batas.

Pagdating naman sa pagsisilbi ng arrest warrant kay Co na kasalukuyang nasa labas ng Pilipinas, sinabi ni Sec. Remulla na hindi nila isinasantabi na nasa bansa na ang dating mambabatas na posibleng dumaan sa “back door”.

Ayon pa sa kalihim, kanilang pupuntahan ang mga address ng bahay ng dating mambabatas para isilbi ang warrant at magsasagawa rin ng inspeksiyon sa kaniyang mga negosyo kung naroon siya, at kung wala man, magpapadala sila ng notice sa International Criminal Police Organization (Interpol) para arestuhin si Co.

Una rito, iniulat ni Sec. Remulla na base sa kanilang tracking, namataan si Co sa Japan noong nakalipas na Lunes subalit kalaunan nagtungo sa China at posibleng bumalik sa Europe noong Huwebes.