-- Advertisements --

Mariing kinokondena ng West Philippine Sea (WPS) Bloc ang pinakahuling insidente hinggil sa agresibong aksiyon ng Chinese Coast Guard (CCG), People’s Liberation Army Navy, at ng kanilang maritime militia laban sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) at Escoda Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon sa WPS bloc, delikado at walang pakundangang aksiyon ang ginawa ng China na naglagay sa panganip sa mga mga crew ng barko at maging sa mga ordinaryong mangingisda.

Hinarang ng mga Chinese vessels ang barko ng PCG at BFAR na layon sana maghatid ng suplay para sa mga mangingisdang Pilipino.

Para sa WPS bloc, hindi katanggap-tanggap ang katwiran ng China na ito ay para umano sa “proteksyon ng kanilang environmental reserve.”

Ang Bajo de Masinloc at Escoda Shoal ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at may karapatan ang sinumang Pilipino na makapaglayag dito nang walang panggigipit o pananakot mula sa ibang bansa.

Naniniwala ang grupo dahil sa ginagawa ng China, lalong pinagtitibay nito ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino sa pagtatangol sa ating soberenya.

Tiniyak ng WPS Bloc ang kanilang suporta sa mga mangingisda, coastal communities, PCG at AFP na patuloy na nagtatanggol sa karapatan at kaligtasan ng sambayanang Pilipino sa ating karagatan.

Ang WPS Bloc ay binubuo nina Rep. Jose Manuel Tadeo “Chel” I. Diokno – Akbayan Partylist, Rep. Leila Norma Eulalia Josefa “Leila” M. De Lima – Mamamayang Liberal Partylist, Rep. Kaka J. Bag-ao – Dinagat Islands, Rep. Cielo Krisel B. Lagman – Albay, Unang Distrito, Rep. Percival V. Cendaña – Akbayan Partylist at Rep. Dadah Kiram Ismula – Akbayan Partylist.