Inanunsiyo ng Working People Against Corruption na binubuo ng mga manggagawa, ang pagdaraos ng malawakang kilos-protesta laban sa korapsiyon sa gobyerno sa Nobiyembre 30.
Ayon kay Working People Against Corruption spokesperson Ed Kline na sentro ng kanilang panawagan ang pagbibitiw nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Aniya, hindi na masikmura ng sektor ng mga manggagawa ang kasalukuyang pagpapahirap sa lahat ng sektor ng lipunan na naapektuhan ng kontraktwalisasyon.
Hindi na aniya sila mananahimik na lamang dahil kinabukasan ng mga hinaharap na henerasyon ang nakataya dito.
Samantala, sinegundahan din ng Migrante International, na kasapi sa naturang grupo, ang panawagan na magbitiw sina Pang.Marcos at VP Sara.
Ayon kay Migrante International Deputy Secretary General Josie Pingkihan, apektado din ang kanilang pamilya sa ghost flood control project.
Kinumpirma din ng Migrante na magkakasa sila ng global day of action kung saan magsasagawa sila ng martsa sa iba’t ibang mga bansa kabilang na sa US, Canada, Europe, Middle East at mga bansa sa Asia Pacific tulad ng Hong Kong, Australia at New Zealand.
Una rito, ayon sa Working People Against Corruption, nabuo ang kanilang grupo sa gitna ng kaliwa’t kanang korapsiyon sa gobyerno. Layunin aniya ng kanilang grupo na mapanagot ang mga nangungurakot sa kaban ng bayan dahil sa mga sahod kinukuha ang pambayad sa tax na kinukulimbat ng mga tiwaling opisyal.
Paliwanag pa ng grupo, sa halip na sa mga serbisyo mapunta ang mga ibinabayad na buwis ng mga manggagawa taliwas ang nangyayari dahil napupunta sa mga bulsa ng mga kurap ang pinaghirapang salapi ng mga manggagawa.















