-- Advertisements --

Inaprubahan ng mga kasaping bansa ng World Health Organization (WHO) ang isang resolusyon na naglalayong magkaroon ng pandaigdigang kasunduan upang gawing mas ligtas ang mundo mula sa mga hinaharap na pandemya.

Ang WHO Pandemic Agreement ay resulta ng mahigit tatlong taong negosasyon na sinimulan noong COVID-19 pandemic upang tugunan ang kakulangan at hindi pagkakapantay-pantay sa pag-iwas, paghahanda, at pagtugon sa pandemya.

Sinabi ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang kasunduan ay magpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng mga bansa, internasyonal na organisasyon, pribadong sektor, at iba pang stakeholder upang maiwasan at mapigil ang mga pandemya.

Ang buong World Health Assembly ay magdedesisyon sa pinal na pag-aapruba ng kasunduan sa isang plenary session sa Martes, Mayo 20, kasabay ng mga talumpati mula sa mga pinuno ng estado.

Binigyang-diin ni Dr. Esperance Luvindao, head ng Committee A, na ang kasunduan ay isang hakbang upang mas mapabuti ang pandaigdigang koordinasyon, proteksyon sa mamamayan, at pagtugon sa pandemya batay sa science at ebidensya.