-- Advertisements --

GENEVA – Inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na ilalabas nito ang isang espesyal na isyu ng Bulletin of the World Health Organization na nakatuon sa temang “Traditional Medicine and Global Health.”

Tatalakayin dito ang malalim na potensyal ng traditional, complementary, integrative, Indigenous at ancestral practices sa medisina bilang bahagi ng mas malawak na sistemang pangkalusugan.

Layunin nitong palawakin ang pandaigdigang kaalaman at scientific evidence hinggil sa bisa at papel ng tradisyunal na medisina sa modernong panahon.

Ang espesyal na isyung ito ay bahagi ng suporta sa ikalawang WHO Global Summit on Traditional Medicine na gaganapin mula Disyembre 17 hanggang 19, 2025 sa New Delhi, India.

Sa nasabing summit, inaasahang tatalakayin kung paano maisasama ang tradisyunal na medisina sa mga pambansang sistemang pangkalusugan upang maisulong ang universal health coverage at sustainable development.

Bahagi rin ito ng mas malawak na layunin ng WHO Global Traditional Medicine Strategy 2025–2034, na nananawagan ng mas pinaigting na pananaliksik at ebidensiya upang mapalakas ang integrasyon ng tradisyunal na medisina sa mga polisiya at praktika ng kalusugan.

Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit 40% ng populasyon sa ilang bansa ay umaasa pa rin sa tradisyunal na medisina para sa kanilang pangunahing pangangailangang medikal.

Dahil dito, binibigyang-diin ng WHO ang kahalagahan ng makatotohanang datos, regulasyon, at etikal na paggamit ng mga ganitong uri ng lunas.

Sa pamamagitan ng isyung ito, inaasahang mas mapapalalim ang pandaigdigang diskurso ukol sa papel ng tradisyunal na medisina sa paghubog ng mas inklusibo, makatarungan, at matatag na sistemang pangkalusugan.