Kinondena ng western leaders ang paglabas ng Hamas ng videos ng mga nangangayayat na bihag na Israelis sa kanilang puder sa Gaza.
Kaugnay nito, nananawagan na rin ang Red Cross na magkaroon ng access sa lahat ng mga natitira pang bihag sa naturang teritoryo.
Ayon kay UK Foreign Secretary David Lammy, ang mga imahe ng mga bihag na ibinabalandra para sa propaganda ay nakakasuklam at dapat aniyang mapalaya na ang mga ito ng walang kondisyon.
Nangilabot naman si German Chancellor Friedrich Merz sa mga inilabas na imahe ng mga bihag at iginiit na kailangan ang pagpapalaya sa lahat ng bihag para sa ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas.
Sinabi naman ni French President Emmanuel Macron na kumakatawan ang Hamas ng matinding kalupitan at sinabing ipagpapatuloy ng France ang walang patid na pagsisikap para mapalaya na ang mga bihag at maibalik ang ceasefire at makapasok ang humanitarian aid sa Gaza.
Ginawa ng western leaders ang mga pagkondena matapos ilabas ng Palestinian Islamic Jihad ang video ng bihag na si Rom Braslavski na payat na at umiiyak noong Huwebes at ang inilabas ng Hamas na footage ng nangangayayat na bihag na si Evyatar David noong Sabado.
Dahilan kayat inakusan ng Israeli leaders ang Hamas ng pagpapagutom sa mga bihag.
Subalit, itinanggi ng armed wing ng Hamas na intensiyonal nilang ginugutom ang mga bihag at sinabing kumakain ang mga ito tulad ng kinakain ng kanilang mga fighter at mamamayan sa gitna ng krisis ng kagutuman sa Gaza.
Maaalala na ang dalawang bihag na nasa video ay dinukot mula sa Nova music festival noong October 7, 2023 nang salakayin ng Hamas ang southern Israel. Kabilang ang dalawa sa 49 na mga bihag mula sa 251 na orihinal na dinala sa Gaza.
Samantala, kinausap na rin ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ang head ng Red Cross sa rehiyon at hiniling ang agarang pagbibigay ng pagkain at medical care para sa mga bihag.