Kinumpirma ng Israeli authorities na pinayagan na rin ang Egypt at International Committee of the Red Cross (ICRC) para hanapin ang mga labi ng mga nasawing bihag noong October 7 attacks.
Ayon sa gobyerno ng Israel, pinayagan ang mga grupo para magsagawa ng search operation sa lagpas ng tinatawag na yellow line sa lugar na kontrolado ng Israeli Defense Forces sa Gaza.
Ang yellow line ay marka ng hangganan sa may hilaga, timog at silangan ng Gaza, kung saan inalis ang mga tropa ng Israel bilang parte ng unang yugto ng kasunduan para sa tigil-putukan.
Gagamit naman ang mga search team ng excavator machines at trucks para sa paghahanap sa mga labi lampas sa yellow line.
Nitong Linggo, iniulat din ng Israeli media na pinayagan ang mga miyembro ng Hamas na makapasok sa lugar na kontrolado ng Israeli forces sa Gaza para tumulong sa paghahanap kasama ang International Red Cross teams.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 15 mula sa 28 labi ng mga nasawing Israeli hostages ang naibalik ng Hamas sa ilalim ng unang yugto ng ceasefire deal.
















