-- Advertisements --

Nangako ang Hamas na kanilang ibabalik ang lahat ng mga nasawing bihag sa Gaza na hindi pa nahahanap matapos dumanas ng matinding pinsala ang naturang teritoryo makalipas ang dalawang taong giyera.

Ayon kay Senior Hamas official Ghazi Hamad, kumplikado ang paghahanap sa mga labi at kakailanganin ng sapat na panahon lalo na’t binago aniya ng labanan ang landscape ng Gaza.

Aniya, tatalima sila sa kasunduan gaya ng kanilang ipinangako.

Base sa Gaza’s civil defense agency, isang rescue force na nago-operate sa ilalim ng Hamas authority, mahigit 280 labi na ang narekober mula sa mga nasirang istruktura mula nang maging epektibo ang ceasefire.

Samantala, nitong gabi ng Biyernes, Oktubre 17, ipinasakamay na rin ng Hamas ang isa pang labi ng nasawing bihag na Israeli.

Kinumpirma naman ng Israeli Defense Forces ngayong Sabado, Oktubre 18, na isinagawa sa Gaza ang pagturn-over sa Red Cross ng kabaong na naglalaman ng labi ng naturang Israeli hostage.

Ineskortan ito ng mga tropa ng IDF sa pagtawid sa border patungong Israel saka idiniretso sa National Institute for Forensic Medicine sa Tel Aviv para sa pagtukoy ng pagkakakilanlan ng biktima.

Ito na ang ika-sampung bangkay ng binihag na Israeli na ipinasakamay ng Hamas ngayong linggo, mula sa kabuung 28 nasawing mga bihag na obligadong ibalik ng grupo bilang parte ng unang yugto ng Gaza peace plan.