Inilatag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang limang prinsipyo na dapat matupad para matuldukan na ang giyera sa pagitan nila ng Hamas.
Kabilang sa mga binanggit na kondisyon ni Netanyahu ay ang pag-disarma ng Hamas at pagpapalaya sa lahat ng mga bihag ng grupo sa Gaza.
Sakali man aniyang tumalima dito ang Hamas at isuko ang kanilang armas, mag-demilitarize at palayain ang lahat ng natitirang mga bihag, plano ng Israel na maglagay ng security zone sa borders nito sa Gaza para maiwasan ang terrorist incursion at magtatatag ng civilian administration sa Gaza.
Nilinaw din ni Netanyahu na hindi nila punterya na okupahin ang Gaza kundi para palayain ito mula sa kamay ng Hamas terrorist.
Subalit nagbanta si Netanyahu na kung hindi mag-disarma ang Hamas, mapipilitan aniya ang Israel na tapusin ang trabaho at tuluyang lipulin ang Hamas.
Tinukoy din ni Netanyahu ang natitirang mga kuta o pinagtataguan ng Hamas sa Gaza Strip kabilang ang Gaza City at ang Central Camps and moasi.
Pinasinungalingan din ng Israeli PM bilang peke ang mga pinapakalat na larawan ng Hamas ng mga nagugutom at nangangayayat na bata sa Gaza.
Subalit, tinuligsa nin Netanyahu ang inilabas kamakailan ng Hamas military wing na larawan ng isang Israeli hostage na si Evyatar David na nangangayayat at inakusahan ang Hamas na sinadyang ginugutom ang mga bihag kayat nauwi sa ganitong kalagayan ang kanilang kalusugan.
Sa kasalukuyan, puspusan ang ginagawang pagsisikap ng Gaza mediators na nangunguna ngayon sa pagsusulong na buhayin ang kasunduan para sa 60 araw na ceasefire o tigil putukan sa pagitan ng Israel at Hamas.