KALIBO, Aklan — Dead on arrival sa Aklan Provincial Hospital ang isang welder matapos na makuryente sa Barangay Tabayon, Banga, Aklan.

Kinilala ni Police Staff Sargent Randy De Pablo ng Banga Police Station ang biktima na si Waren Pareñas, sa legal na edad at residente ng Barangay Sta. Teresa, Tapaz, Capiz.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagreport sa kanilang tanggapan si Lucio Prias, may-ari ng ginagawang gasolinahan sa nasabing lugar na ayon sa kaniya, naglalagay ng steel trash si Pareñas gamit ang welding nang bigla na lamang itong nakuryente.

Kaugnay nito, nakabitiw at nahulog sa lupa ang biktima na mahigit sa apat na metro ang taas.

Dagdag pa nito na ulo niya ang unang bumagsak dahilan upang mawalan ito ng malay.

Kaagad na dinala sa pagamutan si Pareñas ngunit idineklarang patay na ng sumuring doktor.