Hindi nakikita ng state weather bureau ang malawakang pagbaha sa Metro Manila sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Uwan.
Ito ay sa kabila ng posibilidad na itaas sa tropical cyclone wind signal (TCWS) No. 2 at 3 ang malaking bahagi ng capital region.
Ayon kay Engr. Socrates Paat Jr., head ng Hydro-Meteorology Division ng state weather bureau, kung ibabatay sa rainfall estimate o bulto ng ulan na tinatayang babagsak sa Kamaynilaan ay hindi gaanong mataas ang posibilidad na magkakaroon ng malaking pagbaha sa buong rehiyon.
Maliban dito, nananatili aniya ang mababang lebel ng La Mesa Dam sa Quezon City na sa ngayon ay halos isang metro pa ang layo ng antas nito bago maabot ang spilling level.
Ayon pa kay Engr. Paat, kailangan lamang bantayan ang posibilidad ng pagbagal ng bagyo dahil kung mangyayari ito ay tiyak na tataas ang ibabagsak nitong pag-ulan sa mga nasasaklawang lugar.
Gayunpaman, malayo din aniya ang ganitong scenario kung ibabatay sa kasalukuyang pagtaya.
Sa kasalukuyan, kasama ang Metro Manila sa mga lugar na nasa ilalim ng Orange Rainfall Warning.
Ito ay katumbas ng 100-200 millimeters na ulan.
















