Nasilat nang Atlanta Hawks ang Boston Celtics, 127-112.
Sumandal ang Hawks sa diskarte ni Danilo Gallinari na nagtala ng franchise record na 10 mga 3-pointers mula sa kanyang 38-points.
Binasag ni Gallinari ang record na siyam na 3-pointers na hawak ni Steve Smith noong 1997 na naitala laban sa Seattle.
Si Trae Young naman ay nagpakitang gilas nang magbuslo ng 33.
Mula sa first half ay hindi na pinakawalan ng Hawks (14-18) ang kanilang lead.
Ang Celtics (15-17) naman ay nalasap ang ikatlong sunod na talo.
Medyo inalat pa si Jaylen Brown dahil sumablay ang anim na pagtatangka sa 3-point area kahit nagtapos siya 17 points.
Maging si Jayson Tatum ay nagkasya lamang sa 13 points.
Sa Sabado ang sunod na laro ng Celtics kung saan host sila laban sa Pacers.
Ang Hawks ay tutungo naman sa Oklahoma City.
Sa ibang game naman, ibinilang ng Golden State Warriors sa kanilang biktima ang Indiana Pacers, 111-107.
Umangat sa kanyang performance si Draymond Green na may 12 points, 11 assists, nine rebounds at three steals, habang medyo nanamlay ang laro ni Stephen Curry na nagtapos sa game na may 24 points kung saan pito lamang ang pumasok mula sa 21 pagtatangka.
Sa ngayon ang Warriors ay may 18-15 record, habang 15-15 naman ang kartada na hawak ng Pacers.