-- Advertisements --

Maaaring ilabas ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I sa Enero ng susunod na taon ang desisyon kung kayang humarap sa paglilitis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti.

Ito ay kasunod ng inilabas na resulta ng pagsusuri ng medical experts na “fit to stand trial” ang dating Pangulo.

Subalit, iginiit ni Atty. Conti na ang mga hukom pa rin ang may pinal na pasya. Sa ngayon kasi nasa judicial recess ang ICC mula noong Disyembre 12.

Sinabi naman ni Atty. Conti na nagbigay ng pag-asa sa mga biktima ang naturang findings na maaaring magsimula na ang kaso.

Bagamat maaari pa ring hindi sundin ng mga hukom ang opinyon ng medical experts kung mas bibigyang bigat ang obserbasyon ng depensa, na naunang kumuwestiyon sa findings dahil sa umano’y problema sa short-term memory ng dating Pangulo.

Sakali mang ideklara ng ICC na fit to stand trial si Duterte, maaaring i-reschedule ng korte ang confirmation of charges hearing na ipinagpaliban noong Setyembre, at inaasahan ding magsisimula ang mismong paglilitis sa susunod na taon.