Gumawa ng kasaysayan si NBA superstar Stephen Curry sa kabila ng pagkatalo ng Golden State Warriors sa Portland Trail Blazers, 136-131.
Sa naturang laban, nakapagtala si Curry ng 12 three-pointers mula sa 19 na kanyang pinakawalan, ang ikalima sa kanyang karera sa NBA.
Sa kabila ng rekord na ito, siya rin ang kauna-unahang NBA player na nakagawa ng 12 three-pointers sa isang pagkatalo.
Binuhat muli ni Curry ang kanyang koponan matapos magtala ng 48 puntos, ngunit hindi ito naging sapat laban sa Portland na pinangunahan ng mga batang manlalaro na sina Jerami Grant at Shaedon Sharpe.
Kapwa gumawa ng 35 puntos ang dalawa, at sa clutch time ay naidagdag ni Grant ang huling dalawang free throw para sa panalo ng Portland.
Sa kabuuan ng laban, nakapagtala si Grant ng pitong three-pointers.
Nagawa pa ng Warriors na hawakan ang kalamangan sa huling bahagi ng third quarter, 79-70, ngunit sa pagtutulungan ng Portland ay tuluyan ding nabura ang kanilang abante.
Hindi rin nakapagpakita ng impresibong depensa si Draymond Green, na kumamada ng walong turnover, apat dito sa third quarter, at kalaunan ay tinawagan pa ng isang technical foul.
Maalalang kakabalik lamang ni Curry mula sa minor injury, at sa kanyang pagbabalik ay nakapagtala ng 39 puntos laban sa Minnesota Timberwolves, ngunit muling natalo ang Golden State, 127-120.
Susunod na makakaharap ng Warriors ang Phoenix Suns, habang ang Blazers naman ay magtatapat sa Sacramento Kings.
















