-- Advertisements --

Binuhat ni NBA Superstar Stephen Curry ang Golden State Warriors para sa ipanalo ang laban kontra Minnesota Timberwolves, 111-85.

Sa loob lamang ng 28 mins na paglalaro, kumamada ang NBA star ng 26 points, pitong assists, at apat na steals upang tambakan ang Wolves ng 26 big points sa pagtatapos ng laban.

Nagawa pa ng Wolves na makipagsabayan sa unang dalawang quarter ng laban at natapos ang 1st half sa score na 47-46, pabor sa Golden State.

Gayonpaman, umarangkada ang Warriors sa 3rd quarter at nagposte ng 38 points kontra sa 17 points lamang ng Wolves, daan upang ipalasap sa kalaban ang 22-point deficit.

Lalo pang tumaas ang kalamangan sa pagtatapos ng 4th quarter, sa kabila ng hindi na paglalaro ni Curry, at ng iba pang starter.

Maliban kay Curry, maganda rin ang naging performance ng forward na si Moses Moody at sa limitadong panahon lamang ay nakapagbulsa na siya ng 19 points mula sa kaniyang limang 3-pointers. Gumawa din siya ng walong rebounds at dalawang blocks.

Sa hanay ng Wolves, nasayang lamang ang 32 points ng guard na si Anthony Edwards, kasama ang 11 rebounds at isang steal.

Ito ang unang laban na naipanalo ng GSW mula noong nagtamo ng season-ending injury ang forward na si Jimmy Butler.

Hawak ng GS ang 26-21 win-loss record habang 27-19 naman ang kartada ng Minnesota.