-- Advertisements --

Pinangunahan ni Oklahoma City Thunder star Shai Gilgeous-Alexander ang panalo ng kanyang koponan matapos umiskor ng 27 puntos sa 104-97 na tagumpay laban sa Golden State Warriors.

Lamang ang Oklahoma City ng siyam na puntos sa huling anim na minutong natitira sa laro, ngunit nagpakawala ang Golden State ng 7-0 run upang mabawasan ang agwat sa 99-97 sa huling dalawang minuto.

Nagkaroon pa ng dalawang pagkakataon ang Warriors na maitabla o makalamang sa laro, ngunit nasungkit ni Gilgeous-Alexander ang rebound at ipinasok ang isang crucial 3-pointer shot.

Ito na ang ikalimang sunod na panalo ng Thunder at sila rin ang unang koponan sa National Basketball Association (NBA) ngayong season na umbot sa 50 panalo.

Bukod dito, naitala rin ni Gilgeous-Alexander ang kanyang ika-125 sunod-sunod na laro na may hindi bababa sa 20 puntos, isang laro na lamang ang layo upang maitabla ang rekord ng NBA legend na si Wilt Chamberlain.

Samanatala, naglaro naman ang Warriors ng wala ang star na si Stephen Curry at player na sina Moses Moody at Will Richard ngunit nanatili pa ring dikit ang laban.

Nanguna si Gui Santos na may 22 puntos at 11 rebounds, habang nag ambag naman sina Brandin Podziemski ng 17 at Draymond Green ng 16 puntos. Nagtala rin ng 9 puntos si Kristaps Porzingis sa kanyang pagbabalik matapos hindi magkapaglaro noong Pebrero 19.

Sa kabila ng magandang paghahabol ng Golden State, nabigo silang maipasok ang kanilang huling apat na tira at nalasap ang ikatlong pagkatalo sa kanilang huling apat na laro.