Lalo pang lumobo ang tala ng pagkatalo ng 2022 NBA champion na Golden State Warriors, ilang linggo bago matapos ang regular season ng 2025–2026.
Muli na namang tinalo ng Minnesota Timberwolves ang Warriors noong Marso 14, at ipinalasap ang ika-33 pagkatalo ng koponan.
Dahil dito, tuluyan nang bumagsak ang Warriors sa below .500—mas marami na ang talo kaysa panalo.
Matapos ang laban, hawak na ng Warriors ang 33 losses kumpara sa 32 wins. Sunod-sunod na rin nilang nalasap ang apat na pagkatalo mula sa Wolves, Chicago Bulls, Utah Jazz, at defending champion na Oklahoma City Thunder.
Huli silang nagwagi noong Marso 8, nang talunin nila ang Houston Rockets sa overtime, 115–113.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin nakakapaglaro ang NBA star na si Stephen Curry, habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon ng forward na si Jimmy Butler. Maraming pagkakataon ding hindi nakakapaglaro ang ilan sa kanilang leading scorers tulad nina Kristaps Porzingis, Moses Moody, at Al Horford dahil sa mga health issues.
Gayunpaman, nananatiling bukas ang posibilidad na makabalik si Curry bago matapos ang season, at ang tsansa ng Warriors na makapasok pa rin sa nalalapit na playoffs.
















