-- Advertisements --

Itinumba ng Golden State Warriors ang Phoenix Suns sa tulong ng 4th-quarter comeback, 101-97.

Nagawa ito ng Warriors sa kabila ng hindi paglalaro ni NBA superstar Stephen Curry habang nananatili ring injured si Jimmy Butler, ang 2nd scorer ng naturang koponan.

Nanguna sa panalo ng Warriors guard na si De’Anthony Melton na kumamada ng 17 points, dalawang rebounds at tatlong steal, kasama ang limang clutch points sa huling quarter ng laban. Nag-ambag din ng 20 points, anim na rebounds at dalawang steal ang Warriors guard na si Pat Spencer.

Bagaman lamang ang Suns sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, nagawa ng GS na limitahan ang naturang koponan sa nakakadismayang 15 points sa buong 4th quarter habang pinilit nitong ipasok ang hanggang 25 points.

Hawak pa ng Suns ang 3-point lead, mahigit isang minuto bago matapos ang laban ngunit hinabol ito ng GS at ipinoste ang 4-point lead sa pagtatapos ng regulation, 101-97.

Hindi naman naging sapat ang 24 points ng Suns forward na si Dillon Brooks at 21 points ng guard na si Grayson Allen,.

Hawak ng Golden State ang 28-24 win-loss record habang 31-21 naman ang kartada ng Suns.