-- Advertisements --

Nagsisimula na muling magsagawa ng limitadong workout ang NBA star na si Jimmy butler habang nasa kasagsagan ng offseason.

Kasalukuyang nasa recovery stage ang Golden State Warriors forward kasunod ng kaniyang tinamong anterior cruciate ligament (ACL) injury noong January 2026.

Sa ngayon, wala pang clearance sa batikang forward para makapagsagawa ng ‘full contact practice’ kaya’t limitadong workout pa lamang ang pinapayagan sa kaniya.

Kabilang sa mga nagagawa ngayon ni Butler ay ang ilang serye ng light shooting at stationary ballwork, ngunit ang mga major hurdle workout tulad ng full sprinting at contact drills ay susunod na sa schedule ng batikang manlalaro.

Naging matagumpay ang operasyon para kay Butler noong February 2026 at inaasahang tuluyan siyang makakabalik sa paglalaro sa midseason, o kalagitnaan ng NBA regular season.

Posibleng mangyayari ito sa huling bahagi ng 2026 o unang bahagi ng 2027, ngunit depende pa rin ito sa progreso ng kaniyang rehabilitasyon.

Bago ang injury ni Butler, napanatili niya ang average na 20.0 points, 5.6 rebounds, at 4.9 assists per game.

Sa katatapos na season, nakapaglaro siya bilang starter sa 38 games at napanatili ang episyenteng 51.9% shooting.