Inanunsyo ng pamahalaan ng Lungsod Quezonb na nakatakdang isara ang zipper lane sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod ngayong araw ng Martes, Disyembre 23, 2025.
Ayon sa inilabas na abiso nitong Lunes, ang mga apektadong kalsada ay ang Katipunan Avenue, Quezon Avenue–EDSA tunnel, at Commonwealth Avenue.
Ang naturang lane ay magiging alternatibong ruta sana para sa mga motorista mula sa bahagi ng Fairview na papunta sa University Avenue at C.P. Garcia Avenue para mabawasan ang mga nagsisiksikan sa bahagi ng Elliptical Road tuwing rush hour.
Maalalang noong 2021 nang buksan ang naturang lane dahil sa isinasagawang konstruksyon sa MRT-7 kung saan karaniwang dumaraan pa sa Elliptical Road ang mga motorista para makapag-U-turn patungong University Avenue sa University of the Philippines.
Kadalasan umanong umaabot nang 30 hanggang 45 minuto ang binubuno na bigat ng trapiko mula sa bahagi ng UP Ayala Land TechnoHub para maabot ang U-turn slot sa Elliptical Road.
Bagamat isasara ang zipper lane pagkatapos ng Disyembre 23, magpapatuloy ang pagde-deploy ng mga tauhan ng Lungsod sa mga pangunahing lugar upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko.
Hinikayat naman ang mga motorista na planuhin nang maaga ang kanilang ruta at maging handa sa posibleng pagbabago sa lagay ng trapiko ngayong holiday season.












