-- Advertisements --

Nagpositibo sa iligal na droga ang driver ng UV Express na siyang nangararo ng 14 na motorista sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City matapos na isailalim sa laboratory examination.

Ayon kay Quezon City Police District Acting Director PCol. Randy Glenn Silvio, lumalabas sa kanilang naging examination o sa mismong lab results na nagpositibo sa shabu ang suspek.

Dahil dito, sinampahan ng patong-patong na reklamo ang suspek na siyang kasalukuyang nahaharap sa mga kasong murder, frustrated murder, malicious mischief, abandonment of one’s victim, at resistance to a person in authority.

Maliban dito ay sasampahan din ng reklamong paglabag sa Republic Act no. 10586 o Anti-Drunk and Drugged driving Act of 2013 ang suspek bunsod ng naging resulta ng kaniyang mga lab exams.

Samantala, paalala naman ni Silvio sa mga motorista, ang kasong ito ay halimbawa lamang ng isang babala sa mga driver na pinipiling magmaneho habang nasa impluwensiya ng alak at droga.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente na siya naming ikinasawi ng isang motorista at naging dahilan ng pagkakaroon ng 13 sugatan sa insidente.